close

Mga Sinaunang Bayani at Mga Katipunero

Sinalamin naman ng pahayag ni Juliet ang natutunan ko mula kay Mary Jane Rodriguez-Tatel, ang konsepto ng pagtawid ng bayan / maralita kay Rizal, na nauunawaan ang elitistang pinagmulan nito subalit dinadakila pa rin, “Yes.  Nakipaglaban siya sa Espanyol.  Kinilala din siya ng mga matanda ng isang matalinong bata even though na sa akin pananaw hindi naman mahirap pero he tried [na labanan] ang mga Kastila para pangtubos sa Pinas.”  Sinamahan ko noon sa kaisipang ito sina Jonathan Balsamo at Alvin Campomanes.  Bayani si Rizal dahil kinikilala ng bayan ang kanyang pagiging ekstraordinaryo.

Hindi naaalala ng marami na sa mismong monograf kung saan ipinakilala niya ang konseptong heroé / bayani, dalawang ang pakahulugan ni Dr. Salazar sa bayani.  Ang mas naunang binaggit na pakahulugan niya sa bayani liban sa nabanggit na ay “isang di-pangkaraniwang tao na nakatuon ang diwa’t gawa sa sariling bayan o kabuuang kinabibilangan (reyalidad man o kathang-isip).”  Sa aking nabasa, isang halimbawa ng konsepto ng bayani sa kabundukan ng Timog Palawan ay nasaliksik ng isang Pranses na antropologo na si Nicole Revel.  Ang pinunong Pänglimaq, na pinipili bilang isang hukom sa kanyang husay sa paglutas ng mga kaso, pagbabalik ng kapayapaan at kapahaman sa batas, na may personal ring katangian na simple, tahimik, napakagwapo at mapang-akit na lalaki at nabibiyayaan ng mga kapangyarihang mahikal (Revel 2008, 190-191).  Medyo may kaunting kaibahan sa Bisayang pakahulugan sa bayani bilang lubos na mandirigma, ito ay simpatiko at larawan natin ng pagkamaginoo.  Kung gayon, hindi man bayani si Rizal bilang kasama ng bayan sa pakikibaka, siya naman ay tila isang bayani tulad sa epiko.  Hindi pangkaraniwan, ngunit bayani pa rin.  Makikitang iilan lamang ang elit na itinatawid ng bayan sa ganitong pedestal.

Aking sinasabi noon na kaya ko tinatanggap na bayani si Rizal ay sapagkat sa huli, hindi kaming mga akademiko at ang estado ang nagtatakda ng kung sino ang dapat kilalaning bayani.  Tanging ang bayan lamang.

Ngunit mayroon akong napagtanto matapos kong unang isulat ang papel na ito.  Ang assumption na pagtawid ng bayan kay Rizal ay batay sa laging sinasabi rin mismo ni Dr. Salazar na hindi nagkakamali ang bayan sa kanilang mga konsepto.  Na dapat magtiwala sa pasya ng bayan.  Ngunit paano kung mali ang bayan? Paano kung bahagi lahat ito ng nag-iibang konspeto ng bayani para sa bayan?
Bigla kong napagtanto ang halaga ng pag-uuri sa heroé at bayani at sa mismong pakikipag-usap ko kay Dr. Jose Rhommel Hernandez na isang historyador, at kay Dr. Robert Javier na tagapagsulong naman ng Sikolohiyang Pilipino sa DLSU Maynia. Una, ang konsepto ng bayani sa ating mga wika ay maituturing nating unique o katang-tangi sa atin at dapat nating ipagmalaki kaiba sa kanluraning konsepto.  Atin talaga ito at ebisdensya sa mga etnograpiya na sa maraming panahon ito ang konsepto na tinanggap ng ating mga ninuno—isang tao na nagbibigay ng serbisyo sa bayan ng walang hinhinging kapalit at kasama sa bayan tulad ng mga bahani sa Manobo at bagani sa Panay.

Ngunit paano nga kaya nangyari na ngayon ang bayan mismo ang nagsasabi na si Rizal at Ninoy ay mga bayani at nangunguna pa sa ibang mga bayani tulad ng makikita sa mga sarbey ng SWS at Pulse Asia at sarili kong sarbey na ito. Maraming posibleng dahilan na makikita:

Una:  Ang kolonyal na edukasyon sa ating bayan, na nagturo ukol sa konsepto ng heroismo nina Rizal, George Washgington at Napoleon Bonaparte, pinrograma ito sa ating mga kaisipan.  Nang isalin ito sa Tagalog, isinalin ito bilang kabayanihan.

Pangalawa:  Ang media at ang estado na nagtataguyod sa mga heroé at nag-iisip sa konseptong heroismo ngunit isinasalin ito bilang bayani.  Kaya kahit magkaiba ang konsepto, nakikita natin na nalito na o napag-isa na ng bayan ang konseptong ito.

Pangatlo:  Ang mga pera, tulad ng makikita sa itaas, maging ang mga itinuturing na pangulo (at hindi mga bayani) ay kasama sa listahan ng mga itinuturing na bayani, ay sapagkat sila naman talaga yung kukhang lagi nakikita sa pera.  Tanungin mo ang marami sa atin kung bakit itinuturing nilang bayani si Mabini?  Liban sa siya ang “Dakilang Lumpo,” wala nang maisagot ang mga tao sa kanyang mga nagawa sa Kongreso ng Malolos at sa Unang Republika.  Tinawatawg pa siyang “Utak ng Himagsikan” e hindi nga siya sumama sa unang lagablab ng himagsikan at doon na lamang sa pangalawa tumulong.

Kaya para sa akin, maliwanag na ngayon kung bakit sinasabi ng bayan na bayani sina Rizal at iba pang heroé, na pati si Marcos dahil lamang “maraming nagawa” o “may nagawa naman” ay dapat nang tanghaling bayani.  Ngayon alam ko na rin ang sagot sa matagal ko nang inirereklamo, bakit ang hirap ituro sa bata ng kabayanihan na walang hinihinging kapalit, na maaaring maging bayani ang isang ordinaryong tao, kung sa pananaw nila, heroé ang template ng tunay na bayani na kailangan ispesyal at nasa pedestal.  Mahalaga ang pag-uuri ng heroé sa bayani sapagkat dito na maaaring liwanagin, ano ba talaga ang bayani sa konseptong Pilipino at masasabi at madali na nating ilagay sa isip ng bawat isa, hindi mo kailangang maging ikaw si superman Rizal, kailangan lampasan natin sina Rizal, maging bayani tayo sa sarili nating paraan.

Ngunit kailangan siguro linawin ni Dr. Salazar at iba pa sa pamamagitan ng ibayo pang talastasan kung tinanggap na ng bayan ang heroismo bilang kabayanihan?  Ang maling pagkatuto ba na nito ay maaring tanggapin na bilang bahagi ng pag-unlad sa pag-agos ng kasaysayan ng konsepto ng bayani para sa mga Pilipino na tulad ng sinabi ni Dr. Celestina Boncan ukol sa “nag-iibang konsepto ng bayani sa Pilipinas”?
Gayundin, baka naman, kailangan nating yakapin kapwa ang konsepto ng heroismo at kabayanihan basta alam natin ang pagkakaiba nito.  Kasi bagama’t hindi direktang sabihan, tila negatibo ang diskusyon ni Dr. Salazar sa mga heroé bilang elitista at hindi bahagi ng bayan, habang ang bayani lamang ang ituturing na mabuti.  Hindi kaya mas maganda kung kapwa nating yakapin ang Heroismo de Rizal at ang Kabayanihan ni Bonifacio?  Na wala tayong dapat sukat kabigin sa mga taong nag-ambag sa ating kasaysayan at sa ating kalayaan.  Mananatiling minamahal nating “National Hero” si Rizal at malinaw sa atin ang kanyang pinagmulan at ang kanyang mga nagawa at makilalang “Pambansang Bayani, Unang Pangulo ng Isang Pambansang Pamahalaang Pilipino at Ama ng Sambayanang Pilipino” si Andres Bonifacio dahil sa pagkakaroon ng malinaw na konsepto ng bansa.  Yakapin natin kapwa ang ating mga heroé at bayani at matuto tayo sa kanilang nagawa at maging inspirasyon sila sa atin na kahit mahirap man tayo o elitista, may maiaambag tayo sa pagbubuo at pagpapaunlad ng bansa.

Bahagi ng papel na pinamagatang “Pantayong Pananaw o Pantasya Lamang:  Kamalayan sa mga Konsepto / Dalumat ng Bayan, Mga Tinig Mula sa Ibaba” na unang isinumite kay Dr. Nestor Castro para sa klase ng Antropolohiya 270 (Lingguistic Anthropology), unang semestre, 2011-2012 sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman.  Sanggunian:

Revel, Nicole.  2008.  “Heroic Characters as Model of Leader in Philippines Oral Epics,” sa   Индонезийцы и их соседи.  Festschrift Е.В. Ревуненковой и А.К. Оглоблину (Ang mga Indones at ang Kanilang Mga Kapitbahay.  Festschrift E. Revunenkovoy at A.K. Ogloblin).  St Petersburg:  МАЭ, 174-199.

Social Weather Stations.  2011, 8 Abril.  “First Quarter 2011 Social Weather Survey:  Jose Rizal, Andres Bonifacio, and Ninoy Aquino Are Top Three Most Identified Filipino Heroes” (SWS Media Release).
Salazar, Zeus.  1997.  “Si Andres Bonifacio at ang Kabayanihang Pilipino.”  Bagong Kasaysayan:  Mga Pag-aaral sa Kasaysayan ng Pilipinas Lathalain Blg. 2.  Lungsod Quezon: Palimbagan ng Lahi.

Tags : BayaniHistorya
Close Bitnami banner
Bitnami