close

Reflection sa Pelekulang Dekada ‘70

Isang adaptasyong dula ng pamosong nobela ni Lualhati Bautista, inihandog ng Black Box production ng Ateneo de Manila University, and kanilang bersyon ng Dekada ‘70. Sa direksyon ni Pat Valera binigyan kami ng isang makabagbag damdaming palabas ng produksyon na ito.

Simula pa lang ng palabas ay umaapaw na ang damdamin ni Amanda na ginanapan ni Stella Canete Mendoza. Ang lahat ng bidang lalaking aktor: Juliene Mendoza bilang Julian, Esteban Fulay bilang Emman, Iggi Siasoco bilang Jason, Abe Autea bilang Bingo, Vien King bilang Isagani, at Jon Abella bilang Jules, ay nagpakita nang kagilagilalas na pag-arte at pag-sasabuhay ng kanilang mga karakter mula sa nobela. Sa bawat linya, luha, sigaw na binibitawan nila ay kitang kita na nahiwalay nila ang sarili sa karakter na kanilang ipinapakita.

Kung ikokonekta ko ito sa mga napag-aralan sa klase, bilang isang musikal na pagtatanghal, ang Dekada ‘70 na ito ay isang sarswela o maari ring ituring na seditious play. Kita sa pagtatanghal na ito ang pag-tuligsa sa nasa kapangyarihan, hindi man tahasang ipinapakita ang kanilang mensahe, ramdam ito sa mga maliliit na linya, mga simbolismo ng palabas, at sa mga kanta at tulang ginamit upang mas kumulay and imahe na gusto nilang ipinta.

Ibang iba ang pagtatanghal na ito kesa sa pelikulang Dekada ‘70. Mas naramdaman ko ang mga emosyon sa pagtatanghal na ito. Marahil na rin siguro ay dahil sa halos isang dipa lang layo ko sa entablado. Natalsikan pa ako ng ibang props  na dugo na ginamit nang bugbugin ang isa sa mga karakter. Ramdam din sa mga manunuod ang bigat ng bawat isang eksena: sa monologue ni Amanda, sa rally na nila Jules, sa pagkamatay ni Jason, sa pagpapalit ng puso ni Julian tungo sa rehimeng Marcos.

Napaisip ako nang malalim ng palabas na ito. Marahil sobrang galing lang talaga ng mga aktor at nangusap sila sa aking damdamin o dahil na rin sa napaka gandang pagkakasulat ng script. Isang tanong ang naiwan sa akin ng karakter ni Jules, kapag ba nangyari ulit ang napaka samang panahon na ito ay handa ba akong lumaban?Handa ba akong iwan ang aking pamilya, maaring ilagay sila sa alangin, at makibaka? Kaya ko bang maging matapang para sa bayan o dito na lamang ako sa aking ligtas na mundo?

Tags : Marshall lawPhilippine Literature
Close Bitnami banner
Bitnami